Sanaysay

                                 Maskarang Kakaiba

                    -       Ni Charlene Saliot

    Ang mundong ito ay punung-puno ng mga mapagkunwaring nilalang. Magagarang damit sa labas, daing ang inihahanda sa hapag. Kung humarap ay panay astang parang santo at santa, ngunit kapag tumalikod, ay lumalabas ang totoong sila. Upang mapansin at sambahin ay kinukubli nila ang kanilang totoong pagkatao. Pinipilit na magustuhan sila ng iba na siyang kahit kailan ay hindi naman nila ikinaunlad, ikinasama pa tuloy nila.
   Napakapormal at presentable ng sinusuot. Araw ng lingo at pupunuin na naman nila ang simbahan at doo’y maghahasik ng lagim. Habang nagsasalita si Padre ay hahayaan nilang maglakbay ang kanilang mga mata sa paligid upang mapansin ang kapintasan ng iba. Totoo nga talagang napakataksil ni Judas at sa mismong kaharian ng Panginoon ay nagagawa ang ganitong krimen. Pagkatapos ng simba ay maglalakad na may ngiting pagkasamba-samba. Masayang narinig ang salita ng Diyos? Hindi! Masayang malaman na sila pa rin ang pinakamaganda at may pinakamagarang suot doon.
     Ito namang si Maria ay laging sa Divisoria ang punta kasama ang mga barkada. Turo roon, turo rito, nagwawaldas ng perang bigay ni inang labandera. Grabi pa kung magsaya samantalang si inay, katawan ay nangangalay na siyang inaangkin niya pang katulong sa bahay. Minsan pa nga nang biniita ng barkada ay umasta pang parang donya. Walang nagawa si mama kundi sumunod at umiyak ng patago.
    Isa pa itong si Clarang sobrang tahimik. Nagkukunwaring walang pakialam. Ngunit sa likod ng ganitong kaugalian ay nagkukubli ang kakaibang nilalang. Siya na tila walang alam ay may maraming sinasabi. Naka maskarang nakikipag-usap sa kaharap, naglalantad ng katangian kapag nakatalikod. Aba’y napakasipag ding maghatid ang mga usap-usapan. Buhay ng iba’y pinapakialaman, at ang sa kaniya’y kinalimutan.
    Iilan lamang ito sa mga di kaaya-ayang gawain ng karamihan sa atin. Ang hindi pagtanggap sa sarili at ang pagkukunwari. Kahit kailan ay hindi tayo pasasayahin ng pagkukunwari. Bakit hindi na lamang magpakatotoo sa sarili nang ito’y hindi manahin ng susunod na henerasyon. Sa ganitong pamamaraan ay mas uunlad ang buhay ng bawat tao. Mapayapang mamumuhay ng walang pagkukunwari.   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento